Kung si Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao umano ang tatanungin, mas pipiliin nito bilang naturalized center para sa 2019 FIBA World Cup si Andray Blatche.

Paliwanag ni Guiao sa isang panayam, mula’t sapul ay hindi umano matatawaran ang ipinamalas na suporta at pagmamahal ni Blatche para sa Nationals.

Batay kasi sa patakaran ng FIBA, isang naturalized player lamang ang papayagan sa kada isang team.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Guiao na ikokonsidera ng FIBA si Fil-Am NBA guard Jordan Clarkson bilang isang local player.

Ayon sa beteranong coach, ginagawa na raw ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ito.

Una nang sinabi ni Guiao sa panayam ng Bombo Radyo na nais nilang makuha ang parehong serbisyo nina Blatche at Clarkson upang mabuo ang tinaguriang “dream team” ng Philippine basketball.