Handa na umano si Tiger Woods na maglaro ulit ng golf ngayon makaraang kumalas ang dating world No. 1 sa Northern Trust noong nakaraang linggo dahil sa pananakit ng kanyang likod.

Dumating nitong Miyerkules (Manila time) si Woods sa Medinah, Illinois na siyang venue ng BMW Championship.

Ayon kay Woods, lalahok daw ito sa ikalawang event ng FedEx Cup playoffs.

“I feel good,” wika ni Woods. “Feel a lot better than I felt last week. Felt good this morning so I thought I’d give it a go.”

Sinabi ni Woods na sasailalim din daw sana ito sa treatment sa kanyang likod sa Medinah at hindi raw ito papalo ng golf balls.

Itinakda ang tee time ng 15-time major champion para sa pro-am bukas.

Kinakailangang maganda ang ipakita ni Woods, na nasa ika-38 puwesto sa FedEx Cup standings, sa nasabing torneyo dahil tanging mga players na pasok sa top 30 ang uusad sa Tour Championship sa susunod na linggo.