MANILA – Inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na posibleng sa susunod na buwan pa magsimula ang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) para sa COVID-19 vaccines dito sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ni DOST Usec. Rowena Guevara sa gitna ng pagbisita ng CODE (Coordinated Operations to Defeat Epidemic) Team ng Department of Health at iba pang opisyal sa Valenzuela City ngayong araw.

-- Advertisement --

“Gusto nating makahanap nung mas maigi na mga bakuna, at gusto natin siguruhin na pwede sa mga bagong variant itong mga bakuna,” ani Guevara.

Kasama ng Pilipinas ang Colombia sa mga unang bansa na magsasagawa ng Solidarity Vaccine Trials.

Target ng gobyerno na makapag-enroll ng 15,000 volunteers matapos padagdagan ng WHO ang requirement na study population.

Kung maaalala, Oktubre pa lang noong nakaraang taon nang sabihin ng WHO na magsisimula ang Solidarity Trial sa bansa. Pero naurong ang schedule sa Disyembre at Enero ng 2021.

Una nang sinabi ng Department of Health na hinihintay pa rin nilang ilabas ng WHO ang protocol at listahan ng mga bakunang gagamitin sa pag-aaral.

Kapag nagsimula na ang WHO Solidarity Trial, ang UP-Philippine General Hospital ang mangunguna sa pag-aaral, na susundan ng higit 10 ospital sa buong bansa.