Nanawagan na rin ang World Health Organization (WHO) sa mga ospital sa Pilipinas na limitahan lang sa may severe at kritikal na sitwasyon ng COVID-19 ang mga pasyenteng tatanggapin sa kanilang pasilidad.
Ayon kay WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe marami pa ring pagamutan sa bansa ang tumatanggap ng mild at asymptomatic patients.
Ito ay sa kabila ng paalala ng Department of Health (DOH) na i-refer sa mga community isolation facilities ang nasabing mga pasyente para hindi maubusan ng critical care facilities ang confirmed cases na malala ang infection.
“Many hospitals are still admitting mild patients into the wards and that is why we are advocating for hospitals not to admit mild cases but those cases to be admitted to isolation centers so that they can be managed without crowding the hospitals,” ani Abeyasinghe sa isang media forum.
Kung luluwagan daw ang mga ospital, malaki ang magiging pakinabang nito sa mga pasyente ng COVID-19 na nasa severe at kritikal ang estado.
Ngayong araw, nadagdagan pa ang bilang ng mga ospital sa Metro Manila na nagdeklara ng full capacity sa kanilang COVID-19 facilities.
Nananatili namang bukas ang iba nilang pasilidad para sa mga non-COVID patients.
Ayon kay DOH Usec. Leopoldo Vega, nasa “danger zone” na ang critical care capacity ng ICU beds sa bansa.
Sinabi naman ni Sec. Francisco Duque III na lilimitahan na lang ang admission sa ospital ng COVID-19 patients, na para na lang sa mga severe at critical cases lang.
Sa huling tala ng ahensya, pumalo na sa 57,006 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.