-- Advertisements --

Isiniwalat ng mga pinuno ng Taiwan na nagpadala sila ng email sa World Health Organization noong Disyembre 30, 2019 kung saan nagbigay ito ng babala na ang coronavirus ay kapareho umano ng SARS 2003 outbreak.

Nang mabatid daw kasi ng mga health officials sa Taiwan ang tungkol sa misteryosong sakit na kumakalat sa Wuhan, China ay kaagad nitong binalaan ang naturang organisasyon.

Ngunit nauwi lamang sa wala ang tila pagpapaka-bayani ng nasabing bansa dahil hindi ito pinansin ng WHO.

Giit ng asosasyon na hindi raw kasama sa nasabing email ang babala tungkol sa human to human transmission ng virus. Ito’y sa kabila ng patuloy na pagdami ng coronavirus cases sa bawat panig ng mundo.

Naniniwala din umano ang WHO sa mga member countries tulad ng China hinggil sa pagbibigay ng tamang report tungkol sa sakit.

Naging daan naman ito para gamitin ng Taiwan ang kanilang pandemic prevention playbook na maayos na nakalatag ang lahat mula sa testing, screening, physical distancing at contact tracing.

Enero 20, 2020 nang ianunsyon ng WHO sa mundo na kayang lumipat ng virus sa pamamagitan ng human to human transmission ngunit huli na ang lahat dahil unti-unti nang namiminsala sa Estados Unidos ang nakamamatay na virus.

Hinala ngayon ng publiko na ito ang dahilan sa likod ng hindi pagpayag ng WHO na sumali ang Taiwan sa isinasagawa nitong annual assembly ngayong taon.