Reading Time: 1 minute

Inamin ng mga opisyal mula sa National Water Resources Board (NWRB) na posibleng bawasan nila ang alokasyon ng tubig sa mga sine-serbisyuhang lugar dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam.

Sa isang press briefing nitong araw sinabi ni NWRB executive director Sevillo David na posibleng ngayong linggo ay umabot na ang Angat Dam sa critical point nito na 160-meters.

Ito’y dahil na rin umano sa forecast ng Pagasa na kaunting buhos ng ulan dahil sa monsoon break.

“Kung susundan natin yung projection ng Pagasa, aangat po ‘yan (pero) ‘pag monsoon break po kasi wala masyadong pag-ulan particular po sa area ng Angat watershed; most likely bababa pa yan in the next couple of days,” ani David.

Batay sa huling monitoring ng NWRB sa Angat Dam, nasa 162.39-meters na lang ang water level nito.

Kaya kung hindi raw ullan sa mga susunod na araw ay tiyak na makakaranas na naman ng water interruptions ang Metro Manila at iba pang lalawigan na sine-serbisyuhan ng naturang dam.

“2010 po yung pinakahuli na bumaba ang Angat Dam sa 160 meters na elevation, identified din na El Niño year.  Although sinasabi ng Pagasa na ‘it’s a weak El Niño’, pero kung pinag-uusapan yung supply sa Angat watershed, hindi pa rin ganun kaganda ang sitwasyon.”

Kung maalala, taong 2010 nang huling umabot sa critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam, na sinabayan ng El Nino.

Kaugnay nito tiniyak ng opisyal na lumalakad na ang mga solusyon na kanilang napagusapan para matugunan ang banta ng water shortage.