-- Advertisements --

Nag-deploy ang Philippine Navy ng barkong pandigma sa Escoda Shoal o Sabina Shoal sa gitna ng hinihinalang reclamation activities ng China sa lugar.

Ayon kay Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, pinaigting pa nila ang pagpapatrolya sa lugar at sa mga nakalipas na araw mayroong nakatalagang isang warship sa lugar. Ito ay para masigurado na maibunyag ang iligal na gawain ng kung sino man na nagtatambak ng mga patay na corals sa Sabina Shoal.

Saad pa ng PH Navy official na noong 2011 o 2012, nang gawin ng China ang lahat ng reclamation activities sa WPS kung saan gumamit sila ng mga higanteng dredger para makapaglipat ng buhangin at magtayo ng base militar sa Mischief, Subi at Panganiban Reef.

Subalit sa pagkakataong ito, walang napansin na presensya ng mga dredger bagamat nakita aniya ang resulta ng naturang aktibidad kung saan maraming durog na corals sa Sabina Shoal.

Maaari umanong sabihin na ito ay isang partikular na pagtatangka upang mabawi ang parte ng WPS at bumuo ng isang artipisyal na isla.

Sa kabila nito, siniguro ni Comm. Trimidad na nakabantay sa sitwasyon ang PH Navy kasama ang PCG para maiwasan na maulit ang nangyari sa nasabing mga taon.

Kayat ang diskarte ngayon ng gobyerno sa WPS ay ang transparency initiative para ipakita sa mundo kung ano ang ginagawa ng ibang mga bansa sa maritime domain at sinabi din ng opisyal na sumusunod ang ibang mga claimant na bansa sa international law maliban sa China.

Matatandaan na iniulat ng Philippine Coast Guard nitong weekend na nadiskubre nila ang mga durog na corals na diumano’y itinapon ng mga barko ng China sa Escoda Shoal sa umano’y panibagong pagtatangka para sa reclamation.

Bagamat itinanggi naman ito ng China at tinawag ito ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin na tsimis lamang.

Sa kabila nito, sinabi ni Comm. Trinidad na nananatiling alerto ang Navy upang maiwasan ang anumang buildup sa Escoda Shoal, na nagpapaalala sa ginawang militarisasyon sa Panganiban Reef o Mischief Reef sa nakalipas na sampung taon.