warriors
Golden State Warriors/ Photo courtesy of NBA

Bumangon mula sa kanilang 15-point deficit ang Golden State Warriors sa halftime upang biguin ang Portland Trail Blazers sa Game 2 ng Western Conference Finals, 114-111.

Pinamunuan ni Stephen Curry ang Warriors makaraang magpakawala ito ng 37 points, na kanyang ikatlong sunod na 30-point performance.

Hindi rin nagpahuli si Klay Thompson na ibinuhos ang 13 sa kanyang 24 points sa third quarter.

Samantala, wala namang nagawa ang duo nina Damian Lillard na kumamada ng 23 markers at CJ McCollum 22 para itaguyod ang Portland.

Nasayang din ang 16 points ng kapatid ni Stephen na si Seth Curry para sa Blazers, tampok ang kanyang apat na 3-pointers.

Nagmintis ang driving jumper ni McCollum sa nalalabing 32 second at umiskor naman si Draymond Green sa kabila para sa Golden State, na nagbigay ng tsansa sa Portland sa huling 12.3 seconds.

Gayunman, nasupalpal ni Andre Iguodala ang pagtatangka ni Lillard mula sa downtown, rason para selyuhan na ng Golden State ang panalo.

Dadalhin namang sunod ang serye sa Portland sa Game 3 sa araw ng Linggo, Mayo 19.