Nananatili umanong interesado ang ilang mga teams kay superstar Kevin Durant sa kabila ng pagkakadanas nito ng Achilles injury noong Game 5 ng NBA Finals.

Una rito, inaasahang mag-aalok ng full max contract ang Warriors, Knicks, Nets, Lakers at Clippers para mapasakamay nila ang two-time NBA Finals MVP.

Ayon sa mga sources, positibo pa rin kasi ang nasabing mga koponan na makakarekober si Durant mula sa nasabing injury at mananatiling isa sa mga elite players ng NBA.

Tumaas naman umano ang presyo para kay Anthony Davis na resulta ng pagkaka-injure ni Durant.

Gayunman, hindi naman daw mapipigilan ng injury ni Durant ang paghirit nito ng panibagong kasunduan.

Matagal na kasing inaasahan na tatanggihan nito sa kanyang $31.5 million player option para sa susunod na season para maging free agent.

Pero maaari umanong gamitin ni Durant ang nasabing player option at bumalik sa Warriors para sa 2019-20 NBA season kung saan posibleng igugol ni Durant ang kanyang panahon sa pagpapagaling mula sa injury.