Isang panalo na lamang ang kailangan ng Golden State Warriors para makausad sa second round ng NBA playoffs matapos talunin nila ang Los Angeles Clippers, 113-105, para makuha ang 3-1 na abanse sa serye.

Hawak ng Warriors ang kalamangan mula sa unang quarter hanggang sinubukang mahabol ito ng Clippers.

Bumida sa panalo ng Warriors si Kevin Durant na nagtala ng 33 points habang mayroong 32 points naman si Klay Thompson.

Nag-ambag din ng 12 points si Stephen Curry samantalang mayroong tig-10 points sina Draymond Green at Andre Igouda.

Para naman kay Curry, hindi na siya nagtaka sa pag-init sa opensa ng kanyang ka-tandem na si Thompson ngayong playoffs.

“When Klay gets going like that, it fuels the whole bench. You can see everybody jumping around. Everybody gets happy,” ani Curry. “We all love when Klay gets hot. It fuels our momentum. It didn’t surprise me at all.”

Ang Game 5 ay gagawin sa Huwebes sa Oracle Arena na posibleng tapusin na ng NBA defending champion ang first round.