Nilinaw ng Malacañang na walang victory party o selebrasyong ipatatawag si Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga nanalong kandidato ng administrasyon sa katatapos na midterm elections.

Magugunitang karamihan sa mga nakakatiyak ng panalo sa senatorial race ay mga kandidatong iniendorso ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi nakahiligan ni Pangulong Duterte ang magdiriwang kahit noong alkalde pa ng Davao City.

Ayon kay Sec. Panelo, mas nanaisin pa ni Pangulong Duterte ang magtrabaho at alam naman ng nakararami kung gaano ka-workaholic ang pangulo.

Hindi nga aniya nakaugalian ni Pangulong Duterte na dumalo sa mga piyesta at pinipiling manatili na lamang sa bahay para magpahinga.

“Hindi mahilig … out of character. Hindi iyon mahilig sa ganoon. Hindi nga uma-attend ng mga piyesta-piyesta iyon, gusto noon sa bahay lang eh,” ani Sec. Panelo.