Nararapat na arestuhing muli si Ramon Tulfo, ito ang sabi ng kampo ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa kanilang opisyal na liham sa PNP.

Sa isang liham para kay Philippine National Police Chief Oscar Albayalde mula sa abogado ni Aguirre na si TJ San Luis, binigyang-diin niya na ito ay dahil ang kolumnista, na mayroong nakabinbin na kasong libelo na inihain ni Aguirre sa Branch 46 ng Manila Regional Trial Court at nakapagpyansa, ay hindi humingi ng permiso mula sa korte na makapangibang bansa bilang bahagi ng entourage ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China.

Ang kasong libelo ay iba pa sa P200-million libel complaint na inihain ng dating justice secretary laban kay Tulfo sa Department of Justice dahil sa “malicious, libelous and defamatory” na mga kolum nito na isinulat niya para sa The Manila Times at Facebook posts mula Abril ngayong taon.

Humihingi si Aguirre ng P150 milyon na moral damages, at mahigit P50 milyon sa exemplary fees at attorney’s fees mula sa mga kinasuhan.

Kamakailan, naghain rin ng mga kaso si Executive Secretary Salvador Medialdea laban kay Tulfo para sa mga kolum nito kung saan inakusahan ni Tulfo si Medialdea na walang ginawa sa loob ng isang taon sa isang apela na makuha ang reward money mula sa gobyerno at ang paghingi ng pera sa pamamagitan ibang tao para lamang mailabas ito, at ang pagkakaroon ng “unholy alliance” kay Sandra Cam ng Philippine Charity Sweepstakes’ Office.

Ayon kay San Luis, ang muling pag-aaresto kay Tulfo ay alinsunod sa Rule 114, Section 23 ng mga panuntunan ng hukuman na nagsasabing ang akusadong napalaya sa pamamagitan ng piyansa ay “may be re-arrested without the necessity of a warrant if he attempts to depart from the Philippines without permission of the court where the case is pending.”

Sumulat na rin siya kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua upang bigyang babala siya tungkol kay Tulfo, mayroong humigit 30 kasong nakabinbin sa iba’t-ibang hukuman sa Pilipinas, at “propensity to commit crimes explicitly reflects his true character and personality.”

Ang mga liham ni San Luis ay ginawa noong ika-27 ng Agosto. Ang parehong sulat ay natanggap na nina PNP Chief Albayalde at Ambassador Zhao Jianhua.

“We hope this request will merit your favorable consideration,” dagdag pa sa mga liham.