-- Advertisements --
image 208

Walang naitalang malaking pinsala sa imprastruktura o casualties matapos tumama ang magnitude 6.2 na pagyanig sa lalawigan ng Batangas nitong umaga ng Huwebes, Hunyo 15.

Ayon kay Calatagan police chief Police Major Emil Mendoza, wala pang natatanggap sa ngayon ang kanilang himpilan na reports sa pinsala ng lindol sa kanilang lokalidad.

Sa kabila nito, ipinakalat na ang mga local police officers upang tumulong at magbigay ng assistance sa mga residenteng apektado ng lindol.

Samantala, inihayag naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang inaasahang tsunami warning dahil sa lalim aniya ng focus ng lindol na nasa 119 kilometers.

Batay kasi sa International Tsunami Information Center ang shallow earthquakes sa ocean floor ang karaniwang dahilan ng tsunami.
Habang ayon naman sa United States Geological Survey ang pagyanig na mababa sa magnitude 6.5 ay maliit ang tiyansa na mag-trigger ng tsunamis.

Una rito, iniulat ng Phivolcs na tumama ang magnitude 6.2 na lindol sa 4km ng timog-kanluran ng Calatagan dakong alas-10:19 ng umaga.

Naitala ang Intensity IV sa lungsod ng Quezon at naramdaman din sa iba pang parte ng Calabarzon region.

Kayat nagpaalala ang Phivolcs ng ibayong pag-iingat dahil sa inaasahang aftershocks.