Iginiit ni Vice Pres. Leni Robredo na walang dapat ikatakot ang pamahalaan sa kanyang mga isisiwalat na impormasyon sa Lunes kaugnay ng drug war.

Nilinaw ni Robredo na may nakapaloob na mga rekomendasyon sa kanyang report na dapat tanggapin ng gobyerno kung nais nito na mas maging epektibo ang kampanya.

“Magkakaroon ako ng press briefing on Monday. Hindi ko na papangunahan. Magkakaroon ako ng press briefing on Monday. Pero ang sinasabi ko lang, na there is nothing to be afraid of, kasi ang recommendations naman, parating ang dahilan niyan kung paano pagbubutihin iyong nangyayari ngayon.”

Hindi raw nais ng bise presidente na makipag-away, dahil gusto lang niya patunayan na hindi nito sinayang ang 18 araw na tungkulin sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Walang kailangang maging defensive, kasi dapat bukas tayo sa mga suggestions. Kasi iyong suggestions naman, iyon iyong nakakabigay-daan para mas mapabuti iyong ginagawa. So hindi dapat pag-awayan, kasi the mere fact na binigyan ako ng 18 days, ang ma-a-assure ko lang, na hindi ko sinayang iyong 18 days na iyon.”

Sa Lunes haharap sa press briefing si Robredo kasunod ng pagkakasibak sa kanya bilang drug czar ni Pangulong Rodrigo Duterte.