Wala umanong dapat ikatakot si Mayor Jed Mabilog sa paglipat ni P/Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, kung walang ginagawang masama si Mabilog ay hindi ito dapat matakot.

Bagama’t binansagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na drug protector si Mayor Mabilog, naniniwala si Dela Rosa na wala na itong pinoprotektahan ngayon dahil napatay na noon ang umano’y drug lord sa Western Visayas- ang mag-asawang Melvin at Miriam Odicta.

Inasahan na raw niya ang paglipat ni Pangulong Duterte kay Espenido sa Iloilo at pinagsisimula na niya itong magtrabaho sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, wala pang napipili si Dela Rosa na papalit kay Espenido sa Ozamiz City.

Sa panig naman ni Espenido, desisyon na ng alkalde kung gusto nitong sumuko sa PNP.

Aniya, ASAP o as soon as possible ang kaniyang reassignment sa Iloilo City.