-- Advertisements --

Iginiit ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na walang dapat ipangamba ang ang publiko kaugnay sa presensiya ng mga armored personnel carrier (APC) sa mga lokalidad.

Sinabi ni Sec. Galvez, walang masamang intensyon ang paglalagay ng APC sa mga lugar at wala silang balak na manakot.

Ayon kay Sec. Galvez, mismong mga mayor ang humiling nito sa dalhin sa kanilang mga lugar lalo na kung matitigas talaga ang ulo ng mga residente at ayaw sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran o protocol laban sa COVID-19.

Inihayag ni Sec. Galvez na marami kasi silang obserbasyong walang pakialam ang mga tao kung makahawa sila o mahawahan sila at panay ang labas nang walang mask.

Pero kapag may nakikitang dagdag na pwersa ng pulis at sundalo maging ng tangke sa kanilang paligid ay sumusunod sila sa minimum health protocol.

Ginamit daw nila ang taktikang ito sa Cebu City at wala naman silang narinig na anumang negatibong komento kaugnay nito, bagkus ay naging mabisang paraan pa para tumalima ang mga tao sa mga protocol kaya ngayon ay naibaba na ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.