-- Advertisements --

Binigyang-pugay at ipinagdasal ni Vice President Sara Duterte ang kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa tensyon sa Middle East, kasabay ng paggunita ng bansa sa Semana Santa.

Sa inilabas na mensahe ng bise presidente ngayong Lunes, Marso 30, iniba nito ang sentro ng kanyang mensahe para sa Kwaresma sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa sitwasyon ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong-dagat.

Ayon kay Duterte, ang mga manggagawang ito ay buhay na patunay ng tunay na pagsasakripisyo, kaya’t mariin niyang hiniling ang kapayapaan para sa naturang rehiyon na patuloy na nakararanas ng kaguluhan.

Ipinaalala rin niya na ang Kwaresma ay isang sagradong bahagi ng pagiging Pilipino—isang panahon upang magnilay sa sakripisyo ng Diyos at isabuhay ang paglilingkod sa kapwa.

Partikular na pinuntirya ng kanyang panawagan ang kalagayan at seguridad ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa labas ng bansa.

Bukod sa kapakanan ng mga OFW, umapela rin si Duterte sa publiko na ipagdasal ang Pilipinas upang ito ay pamunuan nang may katapatan, hustisya, at malasakit. Inaasahan niyang isasapuso ng bawat mamamayan ang kapakanan ng bansa ngayong Lenten Season.