Ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang pagbawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pahayag nito ukol sa hindi muna pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon dahil sa COVID-19 crisis.
Iginiit ni Robredo na karapatan ng bawat empleyado na makatanggap ng 13th month pay dahil naaayon ito sa batas.
“Under the law, talagang karapatan ito. Under the law, karapatan ng pamahalaan—karapatan pala ng employees na mabigyan sila ng 13th month pay.”
Ikinabahala kasi ng pangalawang pangulo ang posibilidad na abusuhin ang hindi pagbibigay ng nasabing benepisyo.
Batid ni VP Leni ang pangangailangan din ng mga employer at negosyo, kaya naman daw dapat makabuo ng solusyon ang pamahalaan kung paano matutulungan ang sektor.
“Parang ang sinasabi niya na lang, Ka Ely, tinitingnan kung paano matutulungan, halimbawa iyong MSMEs na mga employers, papaano sila matutulungan na mabigyan pa din nila—kasi sila iyong sobrang apektado—papaano nila mabibigyan pa din iyong kanilang mga employees ng 13th month pay, considering na grabe iyong epekto sa kanila.”
“Mayroon namang nagsasabi na iyong gobyerno puwedeng i-advance sa kanila iyong pera. So maraming mga diskusyon tungkol dito. Pero siguro hintayin natin iyong guidelines na ilalabas pala nila.”
Magugunitang sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na baka pwedeng ipagpaliban ang pamimigay ng 13th month pay ngayon panahon ng pandemya.
Pero agad din nitong binawi ang pahayag at iginiit na required lahat ng employer na i-release ang naturang benepisyo ng mga manggagawa bago ang December 24, 2020.
“We will not postpone, we will not defer and we will not give any exemption with the payment of 13th month pay.”










