Malaki ang pag-asa ni Vice Pres. Leni Robredo na magagampanang mabuti ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Dante Jimenez ang tungkulin nito bilang bagong co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Ako, iyong expectations kasi, sana may acceptance noong pagkukulang noong nauna. Sana moving forward, maging data-driven na, maging evidence-based iyong pagdesisyon, para nakikita natin kung ano talaga iyong pangangailangan base sa kung ano iyong datos na nandiyan. Mahabang panahon, three years, na ginawa iyong kampanya against illegal drugs nang hindi klaro iyong datos, hindi klaro iyong metrics, hindi klaro iyong targets. So ito, pagkakataon para wastuhin iyong pagkakamali in the past.”

Nilinaw ng pangalawang pangulo na kahit mayroon siyang inilabas na findings sa higit dalawang linggo niya na pag-upo bilang ICAD co-chair noong nakaraang taon ay hindi niya ito ipipilit na silipin ni Jimenez.

Pero hiling lang sana ni VP Leni na hindi mabahiran ng pulitika ang pagta-trabaho sa ICAD.

“Hindi ko ipagpipilitan iyong findings namin; nasa sa kaniya iyon kung gagamitin iyon. Pero mayroon na siyang pag-uumpisahan. Mayroon na siyang pag-uumpisahan kasi iyong ginawa namin walang politika involved, iyong ginawa namin base sa kung ano iyong sitwasyon sa panahon na in-appoint tayo.”

-- Advertisement --

“Sana iyong pagharap ng bagong responsibility, i-set aside iyong politika, kasi oras na politika iyong paandarin, wala tayong aasahan na kabutihan na mangyayari.”

Dagdag pa ng bise presidente, na sana ay huwag kalimutan na tutukan ang monitoring sa supply ng iligal na droga sa bansa at pagpapatupad ng rehabilitasyon sa mga drug suspects.

“Natutuwa ako na sinabi noong bagong ICAD co-chair na tututukan iyong constriction ng supply, kasi doon talaga tayo sobrang hindi nag-perform.”

“Pero iyong sa akin, sa pagtutok sa supply, sana hindi kalimutan lalo na iyong rehabilitation saka reintegration, dahil iyon ay marami nang advocates, marami nang grupo ang willing to help. Kailangan na lang mayroong maayos na programa para ipagpatuloy ito. Sana hindi masayang iyong mga nasimulan. Sana sa pagtutok sa supply side, hindi makalimutan iyong gains na na-achieve na natin kahit papaano noong tayo ay umupo. Iyong opisina naman namin, patuloy na nakikipagtulungan sa mga iba’t ibang mga grupo na nag-a-advocate for a more health-based approach.”