Nadagdagan pa ang bilang ng volcanic earthquakes na naitatala sa Taal Volcano sa nakalipas na 12 oras, ayon sa PHIVOLCS.

Ayon kay PHIVOLCS supervising science research specialist Wincelle Sevilla, hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga, pumalo na sa 787 volcanic earthquakes malapit sa taal volcano sa nakalipas na 24 oras, magmula nang mag-alburuto ang Taal Volcano noong nakaraang linggo.

Higit na tumaas ang naturang bilang kung ikukumpara sa 366 volcanic earthquakes na naitala kahapon, Enero 18, 2019, ng alas-5:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Subalit tinukoy ni Sevilla na ang mga lindol na naramdaman malapit sa Bulkang Taal ay bumababa na ang bilang.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Sevilla na kaya mas malaki ang bilang ng mga lindol na naitatala ng Taal Volcanic Seismic Network dahil sa proximity nito sa bulkan.

Base sa kanilang Taal Volcano Bulletin kaninang alas-8:00 ng umaga, sinabi ng PHIVOLCS na nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa bulkan.