LEGAZPI CITY- Sumulat na si Mayor Johnny Rodolfo sa opisina ng Catanduanes Police Provincial Office upang hingin ang pagpapaalis at paglipat ng estasyon ng viral na hepe ng Bato Municipal Police Station na si Capt. Ariel Buraga.

Kasunod ito ng pag-trending sa social media ng screenshots ng komento ni Buraga na animo’y sinisisi pa ang kawalan umano ng respeto ni Sonya Gregorio kung kaya’t napuno si PSMS Jonel Nuezca at nagawang barilin ito at anak na si Anton sa Tarlac City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Rodolfo, hindi umano katanggap-tanggap para sa isang hepe ng pulisya sa kanilang bayan ang reaksyon ni Buraga sa krimen na nagawa ng pulis at hindi magandang impluwensya sa mga kapulisan.

Dahil dito, hiniling ng alkalde kay PCol. Bryan Castillo, provincial Director ng PNP Catanduanes ang agarang paglipat sa nasabing hepe.

Samantala nagpaliwag naman si Capt. Buraga na namis-interpret lamang umano ang kanyang komento bagkos ay nais lang na ipabatid na dapat na nagpakita pa rin ng respeto ang mga biktima sa pulis upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.

Nanindigan rin itong kinokondena niya ang ginawa ng suspek na hindi dapat pamarisan ng sino mang pulis.