-- Advertisements --

Inudyukan ni House Deputy Speaker LRay Villafuerte ang mga may-ari ng ABS-CBN na ibenta ang kanilang kompanya para sa kapakanan ng nasa 11,000 nilang empleyado.

Ginawa ni Villafuerte ang payong ito sa panayam mismo ng ANC, isang linggo matapos na ibasura ng House Legislative Committee ang franchise application ng ABS-CBN.

Iminungkahi ng kongresista ang naturang hakbang tutal naman daw ay kumita na ng bilyones ang pamilya Lopez at meron pa naman silang ibang kumpanyang hawak.

Naniniwala si Villafuerte na kayang patakbuhin ng ibang malalaking korporasyon ang ABS-CBN kung magdedesisyon ang pamilya Lopez na ibenta ito.

Samantala, nagpahayag ito ng kahandaan na suportahan ang franchise renewal ng istasyon pero ito ay kung iba na aniya ang pamunuan at may-ari nito.