-- Advertisements --

Maaaring gamitin ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng paglahok ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa mga sesyon ng Senado sa pamamagitan ng video conferencing upang matukoy ang kanyang kinaroroonan, sakaling aprubahan ang panukalang amyenda sa rules ng Mataas na Kapulungan.

Lumabas ang usapin sa gitna ng mainit na debate sa pagitan ng Senate majority at minority blocs kaugnay ng mungkahing amyendahan ang rules upang payagan ang mga senador na bumoto at makilahok sa sesyon kahit nasa malayo sa pamamagitan ng online video conferencing.

Kinuwestyon ng ilang miyembro ng minority ang panukala, sa pangambang maaari umano itong magamit ng mga mambabatas na may kinahaharap na kaso, imbestigasyon, o arrest warrant, kabilang si Dela Rosa.

Gayunpaman, sinabi ng PNP na kahit payagan ang remote participation, maaari pa rin itong makatulong sa mga awtoridad sa paghahanap sa senador.

“We will try to ascertain his whereabouts or his location using the link or whatever ‘yung gagamitin nila sa teleconferencing,” ayon kay PNP Public Information Office chief P/Col. Allen Rae Co.

Si Dela Rosa ay naiugnay sa kasong crimes against humanity of murder sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabanggit din sa diskusyon sa Senado sina Sen. Bong Go, na tinukoy bilang co-perpetrator sa ICC complaint, at iba pang mga senador na may hiwalay na reklamo at imbestigasyon.