-- Advertisements --

Umaasa ang Department of Health (DOH) na babanggitin din ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang mga ginawang responde ng kagawaran laban sa pandemic na COVID-19.

“We are expecting that the president would mention of our response to COVID, specifically yung mga kailangan pa nating gawin in the coming days, weeks, months for COVID-19,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Isa ang DOH sa mga nangunguna sa COVID-19 response ng pamahalaan. Si Health Sec. Francisco Duque ang chairman ng Inter-Agency Task Force (IATF), na bumabalangkas ng mga polisiya na may kinalaman sa sitwasyon ng bansa sa pandemya.

Ani Vergeire, banggitin din sana ni Duterte ang kanilang rekomendasyon para sa panukalang batas na Bayanihan 2.

Magbibigay kasiguraduhan daw kasi ito sa mga health care workers na nagsisilbing sundalo laban sa virus.

“Naglagay tayo ng mga patuloy na probisyon para doon sa mga kailangan natin pagtuunan ng pansin when it comes to budget… yung para sa health care workers kasi alam naman nating provisions doon sa Bayanihan 1 law, syempre three months lang yan nagtatagal.”

“Kailangan masusugan natin yan with another law para magtuloy-tuloy ang benefits na tatanggapin ng health care workers sa everyday na work and also kapag nagkakasakit sila para magtuloy-tuloy yan.”

Bukod sa mga hakbang na may kinalaman sa COVID-19, umaasa rin daw ang DOH na mabibigyang pansin ng presidente ang nilagdaang Universal Healthcare Act at ang papel nito sa gitna ng pandemic.