Kumpiyansa si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na uupo bilang Speaker ng Kamara sa 18th Congress si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Para kay Velasco, na kahati ni Cayetano sa 3-year term, walang dahilan o banta man lang na pipigil kay Cayetano na makuha ang naturang posisyon.
Sa ilalim ng kanilang term-sharing agreement, si Cayetano ay uupo bilang House Speaker sa unang 15 buwan, na susundan naman ni Velasco na may 21 buwang termino.
Naniniwala raw si Velasco na susuportahan ng mga party leaders si Cayetano upang sa gayon ay maisulong ang legislative agenda ng administrasyon.
Nauna nang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Cayetano ang Nationalist People’s Coalition (NPC) at ruling PDP-Laban.
Samantala, pinabulaanan na rin ni Velasco ang mga ispekulasyon hinggil sa breakfast meeting na isasagawa ni Davao City Rep. Paolo Duterte bukas.
Aniya, ipinatawag ni Duterte ang naturang pagpupulong para lamang makilala ang kanyang magiging mga kasamahan sa Kongreso.
Ang naturang pulong ay lumutang kasunod ng banta ng presidential son na posibleng mayroong “coup d’etat” na mangyari sa Speakership post.