Pumalo na sa record-high P11.642 trillion ang utang ng Pilipinas hanggang noong katapusan ng Agosto 2021, base sa datos na inilabas ng Bureau of Treasury (BTr).
Ayon sa ahensya, hanggang noong katapusan ng Agosto, ang outstanding debt ng pamahalaan ay tumaas ng 0.28 o P32.05 billion mula sa P11.61 trillion na naitala noon lamang katapusan ng Hulyo, 2021.
Ang year-on-year debt balance naman ay tumaas ng 21.1 percent mula sa P9.615 trillion hanggang noong katapusan ng Agosto ng nakalipas na taon.
Samantala, ang year-to-date total outstanding debt ay umakyat ng P1.847 trillion o katumbas ng 18.9 percent.
Sinabi ng BTr na ang paglaki ng utang ng pamahalaan ay dahil sa “domestic debt issuance” bilang bahagi ng financing ng pamahalaan.
Sa total debt stock, 29.4 percent ang nanggaling sa ibang mga bansa habang 70.6 percent naman ang inutang dito mismo sa loob ng Pilipinas.