Sinsisimulan nang bayaran ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang utang sa mga service providers na nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga dumarating na OFWs sa bansa.
Ayon kay OWWA administrator Hans Leo Cacdac, kabilang na rito ang para sa transportation, pagkain, at accomodation services para sa mga OFWs na apektado ng COVID-19 pandemic.
Simula Agosto, nang matanggap nila ang P3.3 billion mula sa Department of Budget and Management, ay unti-unti na nilang nababayaran ang kanilang mga utang.
Noon lang Oktubre 7, sumulat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa DBM para humingi ng P4.2 billion para sa OWWA.
Ang halagang ito ay bahagi ng P7.5 billion na hiningi ng OWWA para sa second half ng kasalukuyang taon, ayon kay Cacdac.
Inaasahan nilang matatanggap ang pera na ito bago pa man matapos ang kasalukuyang taon para mabayaran na rin ang lahat ng kanilang utang sa mga service providers sa final quarter ng 2021.