-- Advertisements --

Nanindigan ang administrasyon ni President Donald Trump na hindi makikibahagi ang Estados Unidos sa hakbang ng international community upang makahanap at makapamahagi ng bakuna laban sa COVID-19.

Una nang lumabas ang ulat na hindi lalahok ang Amerika sa 172 iba pang mga bansa na kasali sa inisyatibong pinangungunahan ng World Health Organization (WHO) para matiyak ang accees sa ligtas at epektibong bakuna sa oras na aprubahan na itong pagamit sa publiko.

Ayon kay White House spokesman Judd Deere, ayaw daw ng Washington na malimitahan ng ilang mga multilateral groups gaya ng WHO.

Sa kabila nito, patuloy naman daw ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga international partners para siguruhing magagapi nila ang virus.

“The United States will continue to engage our international partners to ensure we defeat this virus, but we will not be constrained by multilateral organisations influenced by the corrupt World Health Organization and China,” wika ni Deere.

“This president will spare no expense to ensure that any new vaccine maintains our own Food and Drug Administration’s gold standard for safety and efficacy, [and] is thoroughly tested and saves lives.”

Matatandaan na noong Hulyo nang kumalas ang Amerika sa WHO matapos sabihin ni Trump na kailangan umano ng reporma ng organisasyon, na naiimpluwensyahan din daw ng China.