Nanindigan ang Estados Unidos na hindi nila susuportahan ang plano para sa anumang malawakang opensiba sa may Rafah, Palestinian city sa Gaza Strip, nang walang konsiderasyon sa mga refugees na naroon sa lugar.
Ginawa ng White House ang naturang pahayag ilang araw matapos sabihin ng Israel na pinaghahanda na ang kanilang militar para mag-operate sa Rafah kung saan mahigit kalahati ng populasyon o 1.5 milyong mga Palestino sa Gaza ang naninirahan na ngayon sa naturang lungsod na may border sa Egypt na nakakaranas ng malalang humanitarian conditions.
Noong umaga nga ng Huwebes, binomba ng Israel ang ilang parte ng Rafah sa pamamagitan ng airstrike at napaulat na nagpaputok din ang mga military tanks ng Israel.
Nababala din ang US na ang paglulunsad ng military offensive sa southern city ng Gaza na Rafah nang walang maayos na pagpapaplano ay maaring maging disaster.
Ito rin ang pambihirang pagkakataon na nagbigay ng komento ang US na mahalagang kaalyado at military backer ng Israel kaugnay sa isasagawang military offensive ng Israel sa Gaza na itinuturing na isang malinaw na babala para sa Israel.
Ang US din ay taunang nagbibigay ng $3.8 billion military aid para sa Israel, ang bansang nakakatanggap ng may pinakamalaking pondo sa buong mundo.
Samantala, ayon sa health ministry na pinapatakbo ng Hamas, mahigit 27,800 Palestino na ang napatay habang 67,000 katao na ang nasugatan mula ng sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre 7, 2023.