Kumambiyo ang US Embassy sa Maynila na magbigay ng komento kaugnay sa draft resolution ng Senado para imbestigahan ang request ng Amerika na pansamantalang patuluyin sa bansa ang Afghan nationals habang inaantay ang kanilang Special Immigration visa.
Bagamat inamin ng acting spokesperson ng Embahada na si Stephen Dove na aware sila sa planong isasagawang inquiry ng Senado subalit hindi muna nagkomento pa dahil aniya sa nagpapatuloy na diplomatic discussions at ipinaubaya sa gobyerno ng Pilipinas ang pagbibigay ng pahayag kaugnay sa naturang usapin.
Samantala, nanindigan naman ang embahada sa kanilang commitment para sa Afghan nationals na humihiling ng asylum sa Amerika at kakausapin aniya ang mga kaalyado ng Amerika upang maisakatuparan ito.
Inihayag din ng US embassy official na nananatili ring committed ang administrasyon ni US President Joe Biden sa libu-libong matatapang na Afghans na kasangga ng Amerika sa nakalipas na dalawang dekada.