NAGA CITY- Pinaniniwalaang nakakaranas ng postpartum depression ang ina ng suspect sa pananaga sa kanyang sariling mga anak sa Basud, Camarines Norte.

Kinilala ang suspect na si Joan Magistrado, 28-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Eva Guiruela, hepe ng Basud -PNP, sinabi nito na ayon aniya sa asawa ng suspek, wala naman silang problema ng kanyang asawa pero nitong mga nakaraang araw ng makaranas ng sinat ang naturang ina.

Ayon dito dahil sa dinaramdam na sinat ay hindi pa umano ito nakakapagtrabaho ng mga gawaing bahay.

Kung saan bago umano nito iniwan ang kanyang mag-ina ay pinakain na niya ito.

Ngunit pagbalik ng asawa ng suspect naabutan nito ang mga biktima na isang 5-anyos, 1yr and 8mons at 4mons old baby na naliligo na sa sariling dugo.

Aniya may tama ang mga ito sa leeg, tiyan at likod.

Samantala, sugatan din aniya ang ina ng mga bata matapos nitong saksakin ang kanyang sariling tiyan ngunit naagapan ang buhay nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing krimen.