CENTRAL MINDANAO-Lubos ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato sa matagumpay na unang pasada ng programang ‘Unlad Caravan’ sa Brgy. Malanduague.

Bitbit ang mga serbisyo ng LGU, pinangunahan ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr ang programang hangad ay ang mailapit sa publiko ang serbisyo ng pamahalaang lokal ng Kabacan.

Kaugnay nito, abot sa 142 na mga residente ng Brgy. Malanduague ang napagkalooban ng medical check-up at nakapag random blood sugar test, 56 naman na mga kabataan ang napagkalooban ng libreng tuli, at abot sa 176 na batang edad lima pababa ang nabigyan ng oral polio vaccine na nakapagtala ng 97% mula sa bilang ng residente sa Brgy. Malanduage.

Dagdag pa rito, nagkaloob ng mga saklay, baston, at wheelchair ang LGU para sa mga PWD at Senior Citizen.

Isang magandang oportunidad rin ang pagbubukas ng mga daan sa Brgy. Malanduague.

-- Advertisement --

Ayon sa alkalde, maliban sa mga road rehab at drainage rehab na isinagawa sa Brgy. Malanduague, ang road opening ay isang magandang oportunidad upang magkaroon ng mga bagong daan na magbibigay ng mas maaliwalas na byahe sa mga residente.

Nangako naman ang alkalde na sa susunod na babalik ito sa Brgy. Malanduague ay nakatayo na ang bagong two-storey brgy. hall ng Malanduague.

Samantala, ipinagpasalamat din ng alkalde ang suporta ng sangguniang bayan ng Kabacan na pinamumunuan ni Vice Mayor Myra Dulay-Bade at sa tulong ng mga punong barangay sa pangunguna ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman.

Tiniyak din ng alkalde na ito pa lamang ang panimulang pasada ng Unlad Caravan.