KALIBO, Aklan – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa mga insidente nang pagkawala ng mga nakasampay na underwear ng babae sa ilang boarding houses sa L. Barrios St., Kalibo, Aklan.

Ayon sa isang dalaga na tumangging ipasapubliko ang pangalan, dalawang panty na nakabalot ng plastic bag ang napulot ng kanyang ina sa labas ng kanilang bahay.

Sa nakatuping panty, inipit ang isang papel na may nakasulat na malaswang mensahe.

Labis umano silang naalarma dahil nakapaloob sa mensahe ang pagpantasya ng hindi pa nakikilang suspek sa mga babae na nakatira sa kanilang boarding house.

Nabatid na hindi lamang sila ang nawalan ng nakasampay na underwear kundi sa iba pang boarding houses sa nasabing kalye.

Patuloy ngayong inaalam ng Kalibo police kung sino ang nasa likod nang pagnanakaw ng mga underwear ng mga dalaga sa naturang lugar.