Nangako si Senator Ronald Dela Rosa na kaniyang iimbestigahan ang napaulat na pagbabalik ng Maute group na nasa likod ng limang buwang Marawi siege noong 2017.
Sinabi ng Senador na ayon kay National Commission on Muslim Filipinos chief of staff Manggay Guro Jr, hindi aniya malayo na ang tinatawag na maute sympathizers ay muling nagpapangkat-pangkat at nadadagdagan pa ang bilang.
Saad pa ng mambabatas na maaari itong mangyari dahil extremists ang naturang grupo na maaaring magtago at muling umatake.
Kayat dapat aniya na agad na gumawa ng proactive measures ang Armed Forces of teh Philippines at Philippine National Police para mapigilan ang anumang posibleng muling pagsiklab ng pag-atake kung saan nagdulot ng pinsala ang nangyaring labanan noon sa pagitan ng Maute group at pwersa ng gobyerno mula Mayo hanggang Oktubre ng taong 2017.
Libu-libo ding mga residente ang na-displace at lubos na napinsala ang mga kabahayan.
Una rito, sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on foreign affairs sa panukalang pansamantalang pagpapatuloy sa afghan nationals sa bansa noong biyernes, ibinunyag ng National Commission on Muslim Filipinos chief of staff na mayroong panibagong insidente ng pag-atake ang naganap sa Marawi city noong nakalipas na linggo sangkot ang Maute group.
Kayat binigyang diin ng Senador ang pangangailangan ng isang whole of government approach para mapigilang maulit ang mapaminsalang marawi siege.