KORONADAL CITY – Tuluyan nang nakubkob ng militar ang pinakamalaking kuta ng komunistang New People’s Army (NPA) sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat.

Ito ang kinumpirma ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesperson Major Arvin Encinas sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Encinas, nakubkob ang kuta ng Regional Party Committee Daguma ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Sitio Kuden, Barangay Batang Bagras sa nasabing bayan matapos ang pagsasagawa ng 601st Infantry Brigade Philippine Army ng airstrike sa lugar.

Nilusob umano ng miltar ang lugar matapos na makatanggap ng report galing sa sibilyan na may presensya ng NPA sa lugar.

Kaugnay nito, tumambad sa militar ang mahigit 100 na myembro ng NPA na nagpupulong, paaralan at training facilities ng komunistang grupo na ginagamit upang sanayin ang bagong miyembro sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Napag-alaman din na ang NPA ang nangongolekta ng “protection money” sa mga magsasaka sa lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operations ng militar laban sa NPA sa Kalamansig, Lebak at Palimbang sa Sultan Kudarat.

Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat ang otoridad sa mga sibilya na syang nagbigay ng impormasyon sa presensiya ng NPA sa lugar.