Mariing pinabulaanan ni Trade Sec. Ramon Lopez ang balitang dinagsa na ng maraming tao ang mga malls sa mga nakalipas na araw matapos na luwagan ang quarantine protocols.
Sa pagdinig ng House House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee, New Normal Cluster, pinuna ni Lopez ang aniya’y “fake news” na kumakalat sa social media hinggil sa dami ng tao na pumunta sa mga malls nitong weekend sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Lopez, nag-ikot sila kahapon, Mayo 17, 2020, sa mga malalaking malls sa Metro Manila para alamin ang tunay na sitwasyon.
Sa katunayan, sa quick survey aniya na kanilang isinagawa, nasa 20 percent lamang ang dami ng tao sa mga malls kahapon kumpara sa regular na bilang ng mga mall-goers bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic.
Maging ang bilang aniya ng mga tindahan sa loob ng malls ay 20 percent lamang din aniya ang bukas.
Nilinaw din ni Lopez na sa pagbubukas ng mga malls, mahigpit na ipinapatupad ang quarantine protocols tulad physical distancing at pagsuot ng face masks.
Katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, tiniyak ni Lopez ang mahigpit na pagbabantay sa mga nagbukas na establisiyemto para laging maipatupad ang panuntunan sa tinaguriang “new normal” sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.