Pinasinungalingan ni AFP chief Gen. Carlito Galvez Jr. ang ulat na may namumuong kudeta sa hanay ng militar.

Ito’y sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang mga sundalo ang nagpagupit ng buhok na senyales daw na may namumuong plano para ito ay patalsikin sa puwesto.

Tiniyak ni Galvez ang loyalty ng mga sundalo sa konstitusyon at maging sa chain of command.

“I recommit to the nation the unity and firm resolve of the Armed Forces of the Philippines (AFP) for an unflinching loyalty to the Constitution and the duly constituted authorities,” pahayag ni Galvez.

Babala naman ni Galvez sa mga sundalong lilihis ng landas at hindi tatalima sa chain of command siniguro nito na sila ay mananagot.

Bukod sa isasailalim ang mga ito sa imbestigasyon at lilitisin sa pamamagitan ng military justice system, masisibak din ang mga ito sa serbisyo.

Sa hanay naman ng pulisya, siniguro ni PNP Chief Oscar Albayalde na walang hakbang sa kanilang hanay para sipain sa puwesto ang commander-in-chief.

Ayon kay Albayalde,imposible na may mga pulis ang makikiianib sa grupo ni Senator Antonio Trillianes IV para mapatalsik sa pwesto ang Pangulo.

Hindi na rin aniya kailangan pang paalahahanan ang mga pulis sa kanilang mandato na nakatuon sa pagtalima sa Konstitusyon at sa taumbayan.