CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang mataas na opisyal ng New Peoples Army (NPA) sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng militar sa Sitio Lamparuc, Brgy. Sampagar, Damulog, Bukidnon.

Ayon sa militar, nagsagawa umano ng security operation ang mga miyembro ng 3rd at 19th Infantry Battalion sa naturang lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may mga armadong namataan at biglang sumiklab ang bakbakan.

Matapos ang 10 minutong palitan ng putok, nakita ang isang taong nakabulagta at wala nang buhay na kinilalang si Eduardo Arnado alyas Choi na umano’y deputy secretary ng Guerilla Front 53.

Narekober din sa crime scene ang isang .45-caliber pistol, bala, subersibong dokumento at mga personal na gamit ng mga nakatakas na rebelde.