Bagamat patuloy sa paglobo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, kampante umano ang mga mamamayan sa United Kingdom na hindi sila maaapektuhan ng naturang sakit.

Sa report ni Bombo International correspondent Paul Ledesma ng United Kingdom sinabi nito na makikita umano sa mga tao sa lugar ang pagiging kampante at panatag.

Ito ay dahil narin aniya sa pagiging sibilisado ng gobyerno pagdating sa health care system ng mga tao.

Ayon kay Ledesma, may tiwala sa gobyerno ang mga mamamayan kung kaya bihira lamang ang makakitang nakasuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Maliban dito, wala rin aniyang nangyayaring panic buying at pagkakaubusan ng mga mga alcohol at face masks.

Sa ngayon mayroon ng bilang na 51 kaso ng covid-19 sa nasabing lugar.