Ikinabahala ng Estados Unidos ang guilty verdict ng Manila Regional Trial Court kina Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher nito na si Reynaldo Santos sa kasong cyber libel.

Sa isang statement, sinabi ni US State Department spokesman Morgan Ortagus na nanawagan ang Estados Unidos sa resolution ng kaso sa paraan na napagpapatibay ang matagal nang commitment ng U.S. at Pilipinas sa freedom of expression.

Nauna nang nagpahayag ng kanyang pagkadismaya si dating Sen. Hilary Clinton sa hatol ng korte kina Ressa.

“Maria Ressa was convicted in the Philippines yesterday for doing her job,” ani Clinton.

“As Amal Clooney wrote, the message to other journalists is “Keep quiet, or you’ll be next.” We must fiercely protest attacks on the press. They are attacks on democracy,” dagdag pa nito.

Hinatulang guilty sina Ressa at Santos sa kasong cyber libel dahil sa news article na nailathala sa website ng Rappler noong 2012 kung saan iniuugnay nila ang negosyanteng si Wilfredo Keng sa human trafficking at drug smuggling base sa kanilang nakalap na “intelligence report”.