-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangangailangan sa pagpapatupad ng fishing ban sa Pilipinas sa kabila ng pagkontra dito ng ilang sektor sa pangingisda.

Kaugnay ito ng pagtaas ng aangkating galunggong ng Department of Agriculture (DA) dahil sa umano’y kakulangan ng suplay na fishing ban at pagtaas ng demand ang itinuturong dahilan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR Bicol, taunan nang ipinatutupad ang fishing ban sa bansa partikular na sa bahagi sa Visayas na epektibo mula Nobyembre 15, 2021 hanggang Pebrero 15, 2022.

Mahalaga umano na maipatupad ito upang matiyak na magkakaroon pa ng sapat na suplay sa bansa para sa mga susunod na taon at makaabot pa ito sa mga susunod na henerasyon.

Sa bawat isang kilo ng galunggong na hindi nahuhuli tuwing may fishing ban, tinatayang makakapag-reproduce pa ang mga ito hanggang 27 kilo.

Sa dahilan naman kung bakit sa China nag-aangkat ng galunggong ang Pilipinas, tingin ni Enolva na isa ito sa mga bansa na pinakamura magpresyo sa imported na isda at malapit lamang ang lokasyon sa Pilipinas.

Nilinaw naman ng BFAR na batay sa kanilang monitoring na nananatiling nasa price range ang presyuhan ng galunggong sa bansa kahit bahagyang nagmahal dahil sa demand at mga sama ng panahon.