BUTUAN CITY – Marami nang nagpapaabot ng tulong sa nagdadalamhating pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na inuwing bangkay na matapos umanong maltratuhin ng kaniyang amo.

Kasunod ng balita sa Bombo Radyo Butuan, agad na nagpaabot ng tulong ang himpilan na sinundan naman ng mga masugid na tagapakinig.

Kabilang sa mga ibinigay ay ang bigas, mga gagamitin sa burol at cash na aabot na sa P13,000.

Kasama sa bumuhos na tulong ay ang mismong Barangay Council at aasahan namang madagdagan pa ngayong araw ang matatanggap na ayuda ng pamilya ng Butuanong OFW na si Jenerose Coscos Kipkipan.

Sa panayam kay Jose Delima, live-in partner ng biktima, malaking pasasalamat nito sa mga tumulong sa kanila lalo na sa Bombo Radyo dahil walang-wala sila ngayon dulot na rin ng coronavirus pandemic.

Nabatid na puno ng mga pasa at sugat ang labi nang dumating sa kanilang bahay sa Purok-5, Barangay Taguibo, Butuan City nitong nakaraang araw at nakatakdang ilibing ngayong araw.