Hinimok ni Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda ang pamahalaan na gawing prayoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga health workers, service providers at iba pang frontliners sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ikinalungkot ni Legarda ang pagkamatay ng siyam na doktor dahil sa COVID-19 at nagpahayag din nang pagkabahala para naman sa libu-libong medical practitioners na patuloy na nae-expose sa virus sa kanilang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.

“It breaks my heart to learn that some of our health workers—the very people who are providing care to our patients and keeping us safe from the disease—have died,” ani Legarda.

Pero sa pamamagitan ng Bayanihan to Heal as One Act ay umaasa ang kongresista na mabigyan ng suporta ang mga frontliners sa  para sa mabilis at epektibong pagtugon sa COVID-19.

Umaapela rin ito sa publiko na huwag nang dumagdag pa sa stress na kinakaharap ng mga health workers sa pamamagitan nang pananatili sa bahay at striktong pagsunod sa protocols na inilatag ng pamahalaan kasama na ang safety measures sa ilalim ng enhanced community quarantine.

TInukoy ni Legarda na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ang tungkol sa risk allowance na ibibigay sa mga frontliners bukod pa sa kanilang matatanggap na hazard pay.

Bukod dito, nakasaad din sa batas aniya na sagot ng pamahalaan ang lahat ng medical costs sa mga nagkaroon ng exposure sa virus.

Itinatakda ng batas ang pagbibigay ng P100,000 sa public at private health workers na tatamaan ng coronavirus at P1 million para sa pamilya kung masawi ang health workers.