Hinikayat ngayon ng Malacañang ng mga Pilipino na tularan at isabuhay ang mga prinsipiyo ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.

Ngayong araw ginugunita ang ika-159 birth anniversary ni Rizal, isa sa mga bayaning nagmulat at gumising sa kamalayan ng mga Pilipino laban sa mananakop na Kastila.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang buhay ni Rizal ay patunay na kayang buhayin ng malalim na pag-ibig ng isang tao sa kanyang bayan ang masidhing hangarin ng ating mga ninuno para sa kalayaan at pagbabago.

Ayon kay Sec. Roque, nananawagan sila sa mga kababayan lalo sa mga kabataang itinuring ni Rizal na pag-asa ng kinabukasan na gawing inspirasyon ang buhay at prinsipiyong ipinaglaban ng ating bayani para sa tunay na pagbabago tungo sa mas magandang Pilipinas.

Kasabay nito, nagbigay tribute din ang Malacañang sa mga frontliners sa paglaban sa COVID-19 pandemic sa pagtawag sa kanila bilang “modern-day heroes.”

“We ask our people, the youth in particular, whom our beloved hero referred to as the ‘hope for our future,’ to take inspiration from his life and emulate his principles to be agents of genuine transformation for a better Philippines,” ani Sec. Roque.

“We are proud to see today modern-day heroes —our courageous frontliners — who rise up to the challenge and serve as beacons of hope to a people weary and fearful of the present global health scare.”