Tiniyak ng Office of Civil Defense na prayoridad ngayon na maibalik ang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Batanes na tinamaan ng Bagyong Kiko.

Ayon kay Michael Conag ng OCD Region 2, hindi pa rin gumagana ang mga power plant sa Batanes dahil sa mga nagtumbahang poste ng kuryente na dulot ng malakas na hangin ng bagyo.

Gayunman, kaagad namang naibalik ang linya ng komunikasyon sa naturang lugar at patuloy ang consolidation o pagkalap ng mga datos sa halaga ng pinsala ng bagyo sa naturang lalawigan at sa iba pang lalawigan.

Samatala, sinabi ni Conag na nananatiling passable ang lahat ng mga kalsada at tulay sa Cagayan Valley sa kabila ng mga pagguho ng lupa na naitala sa Quirino Province sa bahagi ng junction Nagtipunan-Nueva Vizcaya road at sa bayan ng Kayapa at Ambaguio.

Agad namang naisagawa ang agarang road clearing at isang lane lamang ang maaaring madaanan.

Mayroon ding naitalang landslide sa may bahagi ng lansangan sa bayan ng Sabtang, Batanes.

Nakabalik na rin sa kani-kanilang mga bahay ang ilan sa mga evacuees na isinailalim sa pre-emptive evacuation sa Isabela at Cagayan.