TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Atty. Egon Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines na may kapangyarihan at obligasyon ng senado na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation sa mga umano’y katiwalian sa pamahalaan dahil sila din ang gumawa ng mga batas may kaugnayan sa paglaban sa korupsion sa pamahalaan.

Reaksion ito ni Cayosa sa mga pagbatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga senador na nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y overpriced na pagbili ng mga PPEs at iba pang medical supplies at sa kanyang kautusan na himingi muna ng permiso ang mga cabinet offficials bago dumalo sa mga pagdinig ng kongreso.

Iginiit ni Cayosa na hindi maaaring pagbawalan ni Duterte ang mga cabinet officials na iimbitahan sa mga pagdinig dahil sa maaari din silang pwersahin ng senado na magsalita.

Idinagdag pa ni Cayosa na ang hakbang ni Duterte ay tila nagpapakita na may itinatago at ayaw na malaman ng publiko kaugnay sa nasabing issue.

Kasabay nito, pinuri ni Cayosa ang ginagawang public hearing ng senado dahil naririnig at nalalaman ng lahat ang ibang usapin na bumabalot sa ating pamahalaan.

Dahil dito, hinamon ni Cayosa ang mga iniimbitahan ng senado na dumalo sa pagdinig upang patunayan na wala silang itinatago na anomang katiwalian o paglabag sa batas.

Panawagan din niya sa mga senador na iwasan din ang grandstanding upang matapos na ang kanilang ginagawang imbestigasyon.

Kaugnay nito, naniniwala si Cayosa na may prima facie evidence sa iniimbestigahan ngayon ng senado na umano’y overpriced PPEs at medical supplies batay na rin sa pahayag ng mga inimbitahang resource persons at mga dokumento.

Sinabi ni Cayosa na dahil sa wala namang kapangyarihan ang senado na mapanagot sa batas ang mga isinasangkot sa usapin ay kailangan na gumalaw ang Ombudsman at Department of Justice para sa pagsasampa ng kaso.

Ayon sa kanya, maaaring gamitin ng Ombudsman na isa ring independent body ang mga testimonya at mga dokumento sa senate hearing upang may mapanagot sa sinasabing anomalya.