Patay ang isang retiradong pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang riding in tandem na mga suspek sa Brgy. Barancuag, Tuao, Cagayan.

Kinilala ang biktimang dead-on arrival sa ospital na si Nestor Daracan, 62-anyos, may-asawa at residente ng Centro 2.

Base sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ito ng dalawang lalaking naka-motosiklo na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib ang biktima habang narekober sa lugar ang tatlong basyo ng bala ng cal. 45.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing pamamaril.