Humarang sa mga lansangan ang mga natumbang punongkahoy at poste ng kuryente sa Ivana, Batanes, kung saan unang naglandfall ang bagyong Kiko, kaninang umaga.

Ayon kay John Harold Agito, residente sa lugar na may mga bahay rin na gawa sa light materials ang nailipad ang bubong dahil sa malakas na hangin na dulot ng bagyo.

Wala pa ring suplay ng kuryente sa lugar, at pahirapan din ang linya ng komunikasyon matapos maapektuhan ang pasilidad ng Batanes Electric Cooperative at telecommunications duon.

Sa isang pahayag naman mula sa PLDT-Smart, naibalik na ang serbisyo nito sa Basco Sabtang at Itbayat, subalit maaari pa ring makaranas ng connectivity issues ang mga subcribers matapos maapektuhan ang kanilang pasilidad.

Sa ngayon, sinabi ni Agito na kanya-kanya na ang paglilinis ng mga residente sa lugar matapos ang pananalasa ng bagyo.

Samantala, nakatakdang magpadala ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ng 5,000 family packs at non-food items sa Batanes sa mga susunod na araw.

Sinabi ni Marciano Dameg, chief ng Disaster and Management Division ng ahensiya na posibleng i-airlift ang nasabing food packs sa tulong ng Philippine Air Force at Office of the Civil Defense.

Ayon sa opisyal, ang nasabing family food packs ay hiniling nila sa kanilang central office.

Ayon kay Dameg, una na silang nakabili ng maraming sako ng bigas na handang ibigay sa Batanes sakaling kailanganin na ito ng lalawigan.

Handa rin ang ahensiya na magpadala ng family food packs sa Calayan sa pamamagitan ng barko kung hihilingin ng LGU at hinihintay pa ang report mula naman sa Babuyan Claro para sa mga affected families.

Kaugnay nito, sinabi ni Dameg na tuloy-tuloy din ang repacking nila ng mga family food packs na handang ibigay sa mga displaced families at mga isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa bagyong ” Kiko”.

Ayon sa kanya, mayroong available ang DSWD na mahigit 19,000 family food packs na nagkakahalaga ng P10M habang ang non-food items ay nagkakahalaga ng P12M, bukod pa sa kanilang standby fund na P5M.

Sa ngayon ay nakapag-request na ang LGU Baggao ng relief assistance na nakapagtala ng mahigit isang libong evacuees.