Patuloy ang hot pursuit operation ng kapulisan laban sa mga suspek na bumaril-patay sa isang pulis sa loob mismo ng kanyang minanehong sasakyan sa Brgy Carig Sur, Tuguegarao City.

Kinilala ang biktima na si PSSGT Aldrin Allam, nakatalaga sa Lal-lo Police Station at residente ng Brgy Cabbo, Peñablanca.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas 5:50 ng hapon nang binabaybay ng biktima ang CSU Road sa Brgy Carig Sur lulan ng kanyang kotse nang pagbabarilin ng suspek na sakay ng kulay gray na van na walang plaka.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nagsasagawa na ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad sa panibagong insidente ng pamamaril sa lungsod.