
TUGUEGARAO CITY-Kinilala ng PNP-Cagayan ang kabayanihan ng isang pulis na nagbuwis ng buhay para iligtas ang dalawang menor-de-edad na nalulunod sa bahagi ng ilog ng Brgy Masi, Pamplona, Cagayan.
Sinabi ni Provincial Director PCOL Julio Gorospe Jr. ng PNP-Cagayan na personal na nakiramay sa pamilya ng nasawing pulis na si PCPL Edison Arinabo, 32-anyos ng Brgy Capalalian, Pamplona at nakatalaga sa Makati Police Station, NCRPO na maituturing na bayaning pulis si Arinabo dahil sa walang alinlangang pagligtas sa mga bata kahit na kapalit ay ang kanyang buhay.
Ayon kay PCAPT Shiela Joy Fronda ng Cagayan PNP, habang nakabasyon, nag-picnic ang pamilya ni Arinabo at ibang kamag-anak sa ilog nang mapansin nila na nalulunod ang dalawang bata.
Agad namang lumusong sa ilog ang pulis para iligtas ang dalawang bata kung saan nadala pa niya sa tabing-ilog ang isa habang naitulak naman niya sa mababaw na bahagi ng ilog ang isa pa.
Gayunman, dahil sa lakas ng agos ng tubig ay natangay ang pulis na naging sanhi ng kanyang pagkalunod.
Si Arinabo ay panganay sa anim na magkakapatid kung saan mayroon siyang dalawang anak na may edad 7- at 2-taong gulang.